Tila
isang ilog ang buong Kamaynilaan, rumaragasang tubig sa mga kalsada ang
matatanaw. Mga sasakyang tanging bubong na lamang ang makikita, mga palutang-lutang
na kabundok na basura at putik na animo’y grasa kung kumapit sa balat. Mga
taong halos nakalibing na ang kalahating katawan sa hukay habang sinusuong ang
baha. Para bang nakakakita ng sunod-sunod na alon sa dagat dahil walang may
kontrol sa bawat paghampas ng tubig sa bawat tirahan ng bawat Filipinong
nahihirapan.
Isang
imahe kuha sa tagapag-balitang nakasakay sa helikopter, halos burado na sa mapa
ang buong Kamaynilaan, tubig na kulay tsokolate na lamang ang bumubungad.
Laganap ang mga eksenang akala ko’y sa pelikula o teleserye ko lamang makikita.
Isang kulay kayumangging aso na pasan-pasan sa balikat ng kaniyang among
kulubot na ang balat at hapong-hapo habang naglalakad sa baha na hanggang
dibdib ang taas. Ang mga evacuation centers na hindi mahulugang karayom sa dami
ng pamilyang tirik na ang mata sa gutom habang naghihintay ng tulong. At kapag
dumating na ang mga pagkain, inumin at gamot ay parang fiesta at may lipon ng
langgam na sumusugod sa kahit anong mailalaman sa kumakalam na sikmura.
Pagsilip
sa bintana, isang amang kalong-kalong ang kaniyang walang kamuang-muang na
tatlong gulang na anak habang tumutulay sa pagkanipis-nipis na kurdon para lang
makaligtas. Nadurog ang puso ko at tila hinampas ng isang napakalaking bato ang
aking pagkatao. Sa aking tabi naroon ang paslit na walang kakurap-kurap na
pinagmamasdan ang nangyayari sa paligid, sarado ang mga palad, hindi maipinta
ang mukha at ang lungkot sa mata, higit
pa sa tuwing inaagawan ng laruan o kendi.
Kasabay
ng ulan ay ang lakas ng kidlat na kung titignan ay parang may sunod-sunod na
kumukuha ng litrato sa labas at ang malalakas na kulog na maihahambing sa
bombang sumasabog. Ang aking hiling ay mapakinggan ang ating dalangin at
magdilang-anghel ang bawat isa sa atin na huwag na ulit mangyari ang ganitong
sakuna. Sa huli, humupa man ang baha, nawa’y hindi humupa ang pag-asa nating
lahat na ang lahat ng ito’y mabibigyan na ng solusyon at maiwasan na ang butas
na bulsa ng mga Filipino at ang pagbaha ng luha sa pinakamamahal nating bansang
Filipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento