Biyernes, Oktubre 5, 2012

Nunal Sa Tubig: Isang Paglalahad

Direktor: Ishmael Bernal

Maituturing na isang haligi ng industriyang pelikulang Filipino si Ginoong Ishmael Bernal dahil sa kaniyang mga napakagandang pelikula na ginawa at isa na rito ay ang Nunal Sa Tubig. Ito ay naglalahad ng isang kwento tungkol sa mahirap na pamumuhay ng mga tao sa isang isla dito sa Filipinas. Pangingisda ang pangunahing pinagkukuhanan ng kabuhayan at ang tubig lamang ang ikinabubuhay ng mga tao dito. Inaasam ng bawat tao sa lugar na ito ang pagkakaroon ng pag-unlad.
            
           Ang pelikulang ito ay nakakapagpamulat ng mata ng mga manonood lalo na ng bawat Filipino dahil ipinapakita dito ang katotohanan o ang realidad. Ang bawat eksena ay sumasalamin sa mga gawaing maaaring nangyari na o mangyayari pa lamang sa atin, kaya naman nagkakaroon ng ugnayan ang pelikulang ito sa mga manonood. Sa isang isla ay maraming tradisyonal na kasanayan ang pinananatili at ang karamihan sa kanila ay may saradong pag-iisip. Subalit nagkakaroon ng maraming tensyon sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay dahil sa pagkakaiba ng bawat personalidad at karakter na bumubu sa kanilang mga pagkatao. Mayroong mga mataas ang pangarap at umalis papuntang Maynila upang umasenso ang buhay. Sa kabilang dako, mayroon ring namang nanatili muna doon at sila ang magkaibigang Maria at Chedeng. 
Benjamin at Chedeng
Benjamin at Maria
     Sina Maria at Chedeng ay parehong napa-ibig ng iisang lalaki na si Benjamin. Nauna si Chedeng na maging kasintahan si Benjamin ngunit noong umalis si Chedeng upang mag-aral, nagkaroon ng relasyon sina Benjamin at Maria kaya nabuntis ito. Si Chedeng ay anak ng isang manghihilot kaya natututo siya ng tradisyonal na pamamaraan ng pagpapaanak mula sa kanyang ina. Pinag-aralan din niya ito noong mga panahong nilisan niya ang lugar at hindi niya akalaing sa dulo na siya pa pala ang magpapaanak kay Maria.  Kahit hindi niya ito inaasahan ay pumayag pa rin siyang magpaanak kay Maria, subalit nagulat na lamang si Chedeng dahil pagkakita niya ay patay na ang batang iniluwal ni Maria. Naramdaman ni Chedeng na nagkasala siya kay Maria na kaniyang kaibigan at karibal. Naisip niya na maaaring masisi sa kanya ang kamatayan ng sanggol na anak ni Maria. Sa paglaon, nagbalik si Benjamin ngunit nadatnan na lamang niyang wala sa sarili at tulala si Maria dahil sa pagkamatay ng kanilang anak.
Ang kuwento ng pelikulang ito ay umiikot sa mga pagkabuhay, sa mga paghahanap ng ikabubuhay at pati na rin sa mga pagkamatay. Iilan sa pumukaw sa aking atensyon ay ang mga aktwal na eksena ng pagtutuli, pagpapaanak, at pagluwal ng isang patay na bata. Sa huli, maraming mapupulot na aral mula dito sa Nunal Sa Tubig, iilan na ang mga leksyon katulad pagpapahalaga sa buhay na mayroon tayo at ang pagiging   alisto at may-alam sa mga realidad na mayroon tayo. Isang magandang halimbawa ang kasalukuyang isyu ng RH Bill ang maaaring maidikit sa pelikulang ito dahil pagkatapos mapanood ang bawat eksena sa pelikula ay nabubuksan ang ating mga isipan tungkol sa mga usaping kailangan ng bayan. Kaya't para sa akin, nararapat lamang na igawad sa pelikulang ito ang lahat ng parangal na kanilang natanggap dahil sa husay ng istorya, direksyon at pagkakagawa sa kabuuan.
Nunal Sa Tubig1976

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento