Pasipol-sipol
pa habang naglalakad si James sa unang araw ng klase bilang siya ay nasa
ikatlong taon na sa kolehiyo. Tahimik naming bumababa ng hagdan si Lou habang
nangangapa pa sa unang araw niya bilang isang kolehiyala. Maituturing ang
Unibersidad ng Santo Tomas bilang isang natatanging pinakamatandang unibersidad
dito sa Filipinas. Malaki ang naiambag ng lugar na ito sa pagmamahalang nabuo
galing sa tamis ng unang pag-ibig.
Taong
1987 nang magkabangga at magkakilala sina James Pareja at Ma. Lourdes Bunyi sa
fine arts building ng Unibersidad ng Santo Tomas. Unang kita pa lamang ni James
kay Lou ay hindi na agad niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. "Ang
lakas talaga ng pintig ng puso ko nung mga panahong iyon dahil parang may
anghel na pinadala ang Diyos dito sa lupa para mahalin ko" ang tanging
nasabi ni James. Nakikipagkasundo pa si James sa mga propesor upang ipakilala
siya ng pormal kay Lou at noong nabigyan na ng pagkakataon, ginawa niya ang
lahat para suyuin ito. Gigising si James ng maaga para masundo si Lou at
sabayan sa pagpasok. Nagbibigay rin siya ng bulaklak at tsokolate may okasyon
man o wala. Hindi lilipas ang isang araw na wala siyang ginagawang espesyal na
bagay para kay Lou, maliit man o malaki. Bukod ditto ay nararamdaman ni Lou ang
sinseridad niya at kabutihan ng puso at iyon ang iilan lamang sa mga katangian
ni James na nagpahulog ng loob niya.
Lumaki
si Lou na mayroong strikto at konserbatibong magulang kaya't sa edad niyang
disisyete noon ay hindi pa siya puwedeng magkaroon ng kasintahan, ni
manliligaw. Ngunit sa bugso ng damdamin, pinayagan ni Lou si James na manligaw
sa kaniya at pagkatapos ng anim na buwan ay naging opisyal nang sila. Matinik
manligaw si James, masaya siyang kasama, walang oras na hindi ka tatawa kapag
kausap siya, guwapo at ang tipo niya ang gustuhin ng mga babae kaya naman
napasagot niya kaagad si Lou. Bago nito ay naging lihim muna ang kanilang
relasyon, ngunit nang tumuntong na ng disiotso si Lou, pumayag na rin ang
kaniyang mga magulang. Sa katunayan ay botong-boto ang nanay ni Lou kay James
ngunit ang tatay niya pa rin ang dumidistansiya.
Kahit
sila na ay tila ba araw-araw pa ring nanliligaw si James at ito lubos naman
'tong kinahulog ng loob ni Lou. Hanggang sa nagtapos si James ng kolehiyo ay
sila pa rin at panay ang kaniyang bisita dito. Nagkaroon na ng trabaho si James
at sa kabutihang palad nagsimula ng maganda ang karera ni Lou sa industriya ng
pagmomodelo. Pagkatapos na pagkatapos ng kolehiyo ay sumali siya sa beauty
pageant na tinatawag na "Look of the Year." Sa biyayang bigay ng
diyos, siya ay nanalo at naipadala sa Paris, France upang lumaban sa iba pang
bansa. Dahil dito nawalan na siya ng oras kay James, lumawak ang mundong
ginagalawan at nakakilala ng iba't-ibang tao na nagpapakita ng interes sa
kanya.
Nang
umuwi si Lou dito ay nagdesisyon siya na makipaghiwalay na kay James ngunit
hindi pumayag ang binata at sinundan siya nito sa pagmomodelo. Dahil sa angking
kaguwapuhan at tangkad, mabilis namang nakapasok si James dito. Mula noon
araw-araw na ulit silang magkasama. Lumipas ang isang taong magkasama sila
lagi, tila ba nanawa na si Lou sa kanilang relasyon, at sa isang banda may
nararamdaman na rin si James na panlalamig kaya't pumayag na rin siya noong
makipaghiwalay si Lou.
Nagkaroon
sila ng sariling mga buhay sa loob ng dalawang taon at hinayaan muna ang mga
sarili na matuto sa mga karanasan sa buhay nang magkahiwalay. Subalit, dahil
iisang industriya lamang ang ginagalawan, nalaman ng bawa't isa na pareho sila
libre o single ng mga panahong iyon kaya't muling sumubok manligaw si James.
Nahirapan at natagalan siyang suyuin muli si Lou. Tumigil na mangulit si James
at natagalan bago siya nagparamdam kaya sa panahong iyon ay si Lou naman ang
gumawa ng paraan at nagplano ng isang surpresa.
Sa
muli pagkikita matapos ang ilang taon at dahil na rin dahil sa pananabik sa
isa't isa, may nangyari sa bunga ng pagmamahalan. Dito na ako nabuo at
nabigyang buhay. Ikinasal sila noong ako ay isang taong gulang na kaya’t
nakakatuwang isipin na parte pala ako sa makabuluhang pangyayaring iyon. Sa
kuwento ni Daddy, habang naglalakad daw si Mommy palapit sa kaniya sa altar ay
hindi niya mapigilang maluha dahil hindi niya maiwasang balikan yung lahat ng
nangyari sa kanila mula pa noong una. Ngayon ay apat na kaming magkakapatid,
masayang-masayang nagsasama sa iisang tahanan. Para sa kanila, totoo nga naming
iba ang tamis ng unang pag-ibig dahil ito ay habambuhay mong dadalhin at
aalalahanin.
Pag-ibig na walang hanggan... Ang sa'yo nahanap mo na ba? :) ♥